“Modern Filipino Jeepneys”
Ako ay nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin namamayagpag sa mga lansangan ng kalunsuran ang mga makabagong jeepney, yaong mas pinaganda, mas pinalinis, at mas pinataas na jeepney na tatak Pinoy at gawa ng mga paham na Pinoy, may makukulay na pahid, may maliliit na kabayong lata, at matatayuan sana ng mga matatangkad na lalake. Hindi naman kami nagmamadali. Ang nakagisnan nating mga lumang jeepney ay makabubuti na lamang, sa aking palagay, sa pansariling gamit at di na sa pamamasada. Maaari kaya na ang mga mas pinaunlad na Pinoy jeepney na ito ay magkaroon ng sariling bukod na daanan? Ito kaya ay maaari at makatotohanan?
Siya nga pala, isang nakagigimbal na kaisipan at isang kalokohan ang magpatinda sa bagong-pinagandang gilid ng Moog Santiago. Una, ang bahaging ito ay masikip na. Ikalawa, aalisin ng nasabing mga paninda ang katahimikan ng pook ng pagmumuni. Ikatlo, aalisin ng mga paninda ang hiwaga at kataimtiman ng makasaysayang dingding. Ikaapat, magigi itong nakakaasiwa at dugyot. Ikalima, sadyang napakapangit ng kalalabasan nito kahit saan pa tingnan. Kung sa angkop pagtindahan ay wala nang mas aangkop pa sa Maestranza dahil ito ay napakalawak, husto ang sukat, hindi nakakasagabal, at angkop na angkop sa kinatatayuan. Muli, pakiusap. Huwag nang ituloy ang pagpapatinda sa gilid ng Moog Santiago alang-alang sa kalinisan at kaayusan. Hindi ba't ang sinaunang piitan dito ay itinuturing na dakong banal?
Tunay, hindi pa handa ang Maynila
Na ipamalas ang apakadungis nitong mukha.
Hindi maipagmamalaki; tunay ngang kahiya-hiya.
Bantulot banggitin ninuman sapagkat nakakaasiwa.
Subalit tayo'y lubusang nagagalak
Sa mga naging mahalagang pagbabagong naganap.
Bagama't umpisa pa lamang at di pa sapat
At ngayo'y isa nang nagpapatuloy na pagsusumikap.
ni: Marven T. Baldo
Comments
Post a Comment