“Gising, Palawan!”

Gising, mga Pilipino ng Palawan!
Malamang ay inyo nang nabalitaan
Itong isang biro na kamakailan
Ay walang-habas na binanggit, tinuran.

Nakatatawa at nakababahala.
Itong bagong pinipilit, binabadya.
Di na nasiyahan sa naunang katha
Pati ba naman kamay ng ating bansa?

Malinaw, bunga ng sabaw na isipan,
Itong sinasabing pawang kahibangan,
Kaya naman tayo ay mapipilitan
Na mula ngayo'y magbantay palagian.

Walang magagawa kundi ang magmatyag
Sa mga dayuhang sa pulo'y tatapak.
Na kahina-hinala at mapagpanggap.
Lalong higit yaong ang pakay na'y hayag.

Makinig ka, ikaw, sakim na dayuhan:
Huwag mong akalaing kami'y mga mangmang.
Balak mo'y iwaglit na sa 'yong isipan.
Pinagsasabi mo'y hungkag, walang laman.

Mananatili sa pangarap mo na lamang
Saganang langis dun sa kailaliman
Ng Dagat ng Pilipinas. Yan ang ngalan
Ng aming dagat sa dakong kalunuran.

Hindi mo ba kailanman matututunan
Na batas na mabisa, iyong igalang?
Maaari bang magpakumbaba na lang
At humingi sa amin ng iyong kailangan?

Matagal na akong sa'yo'y nagtitimpi.
At inuunawang isa ka ring sawi.
Tigib ka ng pait, di yan nakukubli.
Iyong nililinlang lamang ang sarili.

Hindi kasagutan ang paghihiganti.
Sa mga bansang lumupig sa'yo dati.
Kami man ay may karapatang magdamdam.
Ngunit nilimot na namin ang nagdaan.

Habang ganito ang 'yong ikinikilos,
Habag nami'y isasantabi nang lubos.
Ba't iyong kultura, di na lang linangin
Tulad ng 'yong mabangis na kung-fu fighting?

Magpanggap ka man, huwag kang mag-alala.
Pagkat lubusang ka naming nababasa.
Kaya't ika'y ala nang tutunguhin pa. Pakabait ka na lang para masaya.

ni: Marven T. Baldo

Comments