“The Ancient Moat Surrounding Intramuros”

     Maaari kaya na hukayang muli ng ilog ang palibot ng apat o tatlong dingding ng Intramuros upang muling mabuhay at magmukhang makatotohanan ang mga sinaunang pintuan nito? Kung gayon ay kinakailangan ding ilipat ang mga punongkahoy na tumatakip sa mga dingding at ilipat at itanim sa mga pook na wala ni katiting na kaluntianan katulad sa hilagang pangpang upang mabawas-bawasan naman ang init at kadugyutan sa pook na iyon at lubos na maipakita ang mga nilulumot na dingding sa apat o tatlong dako at matanaw kahit sa malayo.
     Kung ang mga Tulay Del Pan at McArthur ay patatabain, didikitan ng mga maririkit na dibuho, at sa pangkalahatan ay bibihisan ng marilag o maringal na anyo, makabubuti o aming hinihiling na ang magkabilang gilid-lakaran ng mga ito ay laparan
     Upang kung ang mga ito man ay pagkalimpunan
     (Sapagkat ang mga ito ay pagkakalimpunan
     Sa mga takipsilim na napakainam.)
     At hindi lamang sila dadaan kundi dudungaw nang daan-daan
     Ay makakalakad pa rin yaong mga magdaraan
     At malaya at walang kiming tatawid lamang.
     Subalit lubhang napakatibay na pagkakagawa ay kinakailangan
     Upang kahit kumpol man ang tumungtong sa mga karagdagan
     At idiin ang kanilang paghakbang
     At bigatan
     Ang kanilang pagkakatapak
     Ay hindi ito magtitipak, mawawarak, at babagsak.

ni: Marven T. Baldo

Comments