“Light Rail Transit Line 3 Stations Need a Complete and Total Makeover”
Isa pa sa mga bagay na ikagaganda ng kahabaan ng Edsa ay ang paggiba sa mga kasalukuyan nitong ubod-pangit na mga hintayan at sakayan ng tren at pagbuo muli sa mga ito at pagpalit ng mas maliliit at mas payat na uri na binubuo, kung maaari at makatotohanan, ng pinaghalong buhos at bakal na napakatibay nang pagkakagawa (katulad ng sa kasalukuyang anyo ng Tulay Jones na may igaganda pa) upang maging malinis, maayos, siksik, at maginhawa sa paningin ng madla.
Sapagkat, subukan mo.
Gumawi ka sa isa mga dambuhalang ito.
Aywan ko lang kung di ka maaburido.
Una, apakadilim ng ilalim ng mga ito.
Ngayon naman ay tumingala ka.
O anong sikip. O anong dugyot. O anong dambuhala.
Dakilang mga mananakay, sa tuwina nawa'y matuwa,
Sila na kapakanan ng nakararami ang inuunawa.
Bakit kailangang apakakapal at apakalawak,
Masalimuot at pagpanhik-panaog ay apakahirap
Inuulit ko, hindi mataba kundi payat.
Ang mga hintayan at sakayan ng tren dapat.
Hindi ito pamilihan o kung anu-ano pa man.
Nakapaloob dito'y ukol dapat sa pagsakay at pagbaba lamang.
Nang madlang mananakay, ligtas at walang-abalang makalipat sa bus, jeep, o pantalan,
Makatawid sa mga liwasan, at tuloy makarating sa hanapbuhay o paaralan.
Inuulit ko: Ang sinasabi kong dapat payat sa aking palagay na makapagbibigay-puwang pa rin sa simoy ng hangin at liwanag ng araw subalit napakatibay pa rin ay yaong silungan lamang, iyong hintayan at sakayan. Ang mga biga, haligi, at mga paanan o panulukang bato ay malinaw na kinakailangang lubhang napakatatag sapagkat ito ang bumubuhat sa kabuoan. Subalit yamang ang mga ito ay sadyang matataba at maaaring maging sagabal sa paningin, maaari na lamang silang pagandahin at palamutihan. Sa aking abang palagay, maaari silang lagyan ng mga halaman o gamitin sa iba pang gamit. Nais ko ring idiin na ang bumubuhat sa tren habang nakahinto ito ay ang mga daanan pa rin nito, hindi ang silungan. Napansin ko lang kasi na napakaraming nasasayang na mga puwang sa silungan at sa ilalim nito na siyang nakapagpapagulo ng kabuoan sa paningin dahil ang mga kinakailangang mga bagay-bagay ay hindi nailalagay nang wasto sa mga umiiral na puwang. Mahusay na paghahalo-halo at paglalaan upang ang mga hintayan at sakayan ng tren ay maging siksik, liglig, at maaliwalas datapwa't pangunahing pinahahalagahan ang walang-alinlangang tibay ng kabuoan. Iyan lamang ang kaisipan na nais kong iparating.
ni: Marven T. Baldo
Comments
Post a Comment